book reviewed by jarel enriquez
Sunday, October 9th, 2005Hope For the Flowers
Ni Trina Paulus
“Butterfly – It’s what you are meant to become. It flies with beautiful wings and joins the earth to heaven. Without butterflies the world would soon have few flowers.”
excerpt from Hope For the Flowers
Ito lang ang isa sa mga pahayag na may dalang aral sa ating mga tao. Hope For the Flowers, isang nobela ni Trina Paulus na nagbibigay aral sa mga taong nangangailangan ng gabay sa modernong panahon natin ngayon. Ang aklat na ito ay hindi kagaya ng ibang aklat na mayroong mga maliliit na mga letra, nagkakapalang pahina at walang gabay na ilustrasyon para sa mga mambabasa. Ito ay parang aklat ng mga bata na mayroong dalang mensahe kahit sa mga matatanda, tungkol sa buhay at tungkol sa pagbabago.
Ang Hope For the Flowers ay pinagbibidahan nina Stripe at Yellow, dalawang uod na naghahanap kung ano pa ang higit na kahulugan ng buhay dito sa malawak na mundo. Sinasalamin ng mga uod ang mga tao sa paghahanap ng kanilang silbi dito sa mundo. Kasabay nito ang pagdedesisyon kung sa anong paraan natin matatamo ang ating mga minimithi sa buhay tulad ng pangarap at walang katapusang kaligayahan. Ang karakter na si Stripe ay nirerepresenta ang mga taong hindi kuntento sa buhay at naghahanap nang higit pa sa pamamagitan ng pag-apak sa mga uod na naghahanap din ng kanilang pangarap sa buhay. Naging totoo ito ng magdesisyon si Stripe na iwan si Yellow sa kanilang lugar at pumunta sa caterpillar pillar. Imbes na maging disiplinado siya sa pagpunta sa taas ay naging masama ito at tuluyang tinapakan ang mga kasamahan upang makapunta lang sa taas ng pillar ng hindi nalalaman kung ano ang makikita sa taas. Subalit nagbago ito ng narinig nito ang mga uod na nasa taas at pinipigilan ang ibang uod na makaakyat sa kanilang kinalalagyan dahil, siguro, takot sila na makuha ang kanilang posisyon doon sa itaas at karagdagan pa nito ang pagkakita niya kay Yellow bilang isang paru-paro. Nagliwanag ang kanyang pag-iisip at naging klaro ang mensaheng natanggap niya sa isang uod na nahulog mula sa itaas ng caterpillar pillar, “The top…. they’ll see….butterflies alone….”. Samantalang si Yellow naman ay nagkaroon ng isang mabigat na desisyon ukol sa paghihintay niya kay Stripe sa muli nitong pagbabalik at pagbabago nitong anyo mula sa pagiging uod hanggang sa pagiging paru-paro. Hindi naman nagsisisi si Yellow sa kanyang desisyon at bagkus siya pa ang nakapukaw sa pag-iisip ni Stripe na tinatabunan ng personal na mithiin sa buhay at yun ang pagpunta at pagtuklas kung ano ang nasa itaas ng caterpillar pillar.
Sina Stripe at Yellow ay iilan lang na mga halimbawa ng uri ng tao na nabubuhay dito sa mundo. Sa pagbasa ko sa nobelang ito ay kinakailangan kung basahin ng ikalawa at tingnan ang mga ilustrasyon ng mabuti upang matulungan ako sa pangangalap ng mga leksiyong makakatulong sa akin dito sa mundo. Sa pamamagitan ng pagbabasa ko ng nobelang ito nalaman ko na hindi dapat katakutan ang pagbabagong nagaganap at magaganap sa ating buhay. Ang prosesong ito ay natural lang dahil tayo ay gumagalaw at napapaloob sa panahon na tumutugon ng pagbabago. At ang paghahanap sa ating tunay na misyon dito sa mundo ng maaga. Kailangan nating malaman kung ano ang silbi natin dito sa mundo nang sa ganun ay wala tayong pagsisisihan kapag dumating ang araw na mawawala tayo.
Sa pagtatapos, ang awtor ay gumamit ng mga simpleng mga salita na madaling maintintidihan ng mga mambabasa ngunit may dalang aral na naghihimok sa atin na gawin kung ano ang nararapat upang maging kapakipakinabang ang buhay natin dito sa mundo. Ako ay nagsisimulang maniwala na mayroong isang “butterfly” sa aking kalooban na dapat kung tuklasin sa aking pag-iisa o maging sa oras na nandiyan ang iba kung mga kaibigan at mga estranghero na tutulong sa pagtuklas ko sa kung sino at ano ang mararating ko sa buhay. Ang pagkakaroon ng Hope o Pag-asa sa ating buhay ay isang pamamaraan upang tuparin ang mga nagawang pangako sa sarili at sa iba upang ang mga Flowers o Bulaklak ay matulungang umusbong nang mabuti at maganda ang kalalabasan.
Para maging kaaya-aya ang mga bulaklak at uusbong ng may pagmamahal ay kailangan nating malaman ang mga pamamaraan at pagtanggap ng mga pagbabago nagaganap sa ating kapaligiran. Tamang disiplina lang ang dapat isaisip at katatagan ng loob sa nagbabago at modernong panahon natin. Inaanyayahan ko kayong magbasa ng nobelang ito upang malaman at maintindihan ang tunay na silbi natin dito sa mundong ibabaw. Nakikita ko may paru-paro sa iyong sarili kailangan lang tuklasin at pakahalagahan.